Killer ng Korean nadakma sa Zambales
No. 1 most wanted sa Region 2
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya , Philippines — Matapos ang ilang taon na pagtatago, nadakip din ng mga awtoridad ang tinaguriang number 1 most wanted person sa buong Cagayan Valley (Region 2) matapos matunton ng mga awtoridad sa Sitio Bukid, Brgy. Calapacuan, Subic, Zambalez kamakalawa.
Kinilala P/Brig. Gen. Valeriano de Leon, Police Regional Office-3 director ang nadakip na si Kristopher Mesias, 39, ng Brgy. Ibung, Villaverde, Zambalez at itinuturong responsable sa pagpatay sa isang Korean national.
Si Mesias ay dinakma ng pinagsanib na puwersa ng Villaverde Police Station; Provincial Intelligence Unit-Nueva Vizcaya Provincial Police Office (PPO); Regional Intelligence Unit 2 (RIU2); Subic Police; City Intelligence Unit-Olangapo City, PIT Zambales PPO, RIU3, Olongapo City Maritime Group at 142nd SAC, 14 SAB PNP-SAF sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Rogelio Corpuz (Ret.) ng RTC 27 Bayombong, Nueva Vizcaya dahil sa kasong murder at isa pang warrant of arrest na inisyu ni Judge Paul Attolba, Presiding judge ng kaparehong sala sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Walang inrekomendang piyansa ang korte kay Mesias sa dalawang kinahaharap nitong kaso.
Si Mesias ang itinuturong pangunahing suspek sa pagpatay sa isang Koreano na pinagbabaril sa kanyang inuupahang apartment sa Barangay Roxas, Solano, Nueva Vizcaya noong 2015. Nagtugma rin ang baril na ginamit sa krimen sa narekober na isang cal. 45 mula kay Mesias matapos mahuli dahil sa pagdadala ng baril na walang kaukulang lisensya.
Lumalabas na si Mesias ay dating kasamahan at nagsilbi ring driver-bodyguard ng napaslang na Koreano.
- Latest