2 ‘tulak’ tumba, 6 arestado sa 7 buy-bust ops sa Nueva Ecija
NUEVA ECIJA , Philippines — Patay ang dalawang tulak umano ng droga habang anim pa ang naaresto sa pitong magkakahiwalay na drug buy-bust operations ng pulisya nitong Huwebes ng gabi at madaling-araw ng Biyernes.
Ayon kay Police Col. Jaime Santos, provincial director ng Nueva Ecija Police, napatay sa operasyon sa Barangay Concepcion, Zaragoza ang suspek na si Francis Reyes, nasa hustong gulang ng Brgy. Barrera, Cabanatuan City.
Dakong 12:05 ng madaling-araw kahapon nang isagawa umano ang buy-bust ng Zaragoza Municipal Police at mga tauhan ng Provincial Intel Office ng NEPPO, at aabot sa 0.28 gramo ng umano’y shabu na may halagang P7,000; isang revolver 38 na walang serial number; isang P500 bill; at isang itim na Yamaha Mio ang nasamsam sa lugar.
Sa isa pang buy-bust operation na nangyari rin kahapon ng 12:10 ng madaling-araw, sa Barangay Calipahan, Talavera, napatay ang suspek na si Rannie Boy Cabiso, 42, ng Barangay Samon, Cabanatuan City, at nakabilang umano sa listahan ng NEPPO unified drugs watch list ng lalawigan.
Nasamsam sa lugar ang baril nitong kalibre .45 pistol; itim na motorsiklong RUSI at umano’y shabu na may timbang na 0.40 gramo na may halagang P10,000.
Samantala, anim na tulak pa ng ipinagbabawal na droga ang nadakip sa limang magkakahiwalay na buy-bust operation noong Huwebes ng gabi at Biyernes ng madaling-araw.
Nakilala ang mga suspek na sina Vic Palconit, 37, Vincent Doliente, 26; Nestor Mitra, 57; Bambie Golla, 44; at sina Jayson Tungol, 35, at Marisol Mudlong, 34.
Nakumpiska sa anim ang 0.24 gramo ng shabu na may halagang P7,000 at 5.63 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na may halagang P676.
Nahaharap ang anim na suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 Artikulo II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest