Empleyado, 2 pa timbog sa ‘inside job’ robbery
NUEVA ECIJA , Philippines — Inaresto ng pulisya ang isang empleyado ng isang essential foods supplier at dalawang iba pang makaraang holdapin at tangayin ng mga ito ang kanilang cash sales collection sa Brgy. Sampaloc, Talavera sa lalawigang ito noong Biyernes ng gabi.
Ayon kay P/Lt. Col. Heryl Bruno, hepe ng Talavera Police, naaresto nila ang mga suspek na sina Randy Romero, 28-anyos, company driver ng John and Claire Enterprises at nakatira sa Brgy. San Fabian, Sto. Domingo, NE; Rolando Almocera, alyas “Andong” ng Brgy. San Francisco, Sto. Domingo, NE; at Anastacio Somera Jr., alyas “Jay-Ar” ng Brgy. Dolores, Sto. Domingo, NE.
Nakatakas naman ang ikaapat na suspek na si Mark Anthony Barrera alyas “Tonyo” ng Brgy. San Francisco, Sto. Domingo, NE.
Naaresto ang mga suspek matapos ang reklamo nina Joven Gonzales, 20, at Raymart Mabatid, 21, kapwa empleyado rin ng nasabing kumpanya. Anila, ang mga suspek ang responsable sa panghoholdap sa hawak nilang pera ng kumpanya kung saan sinasabi nilang katrabahong si Romero ang nagsilbing “mastermind” sa krimen.
Sa pahayag nina Gonzales at Mabatid, pauwi na sila sa kanilang warehouse sa Brgy. Sampaloc nang ihinto umano ni Romero ang kanilang sinasakyang Foton truck (AMA-3777), bandang alas-6:30 ng gabi, upang umihi. Pero hindi nagtagal, dalawang suspek na sakay ng motorsiklo ang bumulaga sa mga biktima at agad nagdeklara ng holdap.
Tinangay umano ng mga suspek ang P100,000 na company sales na nasa pag-iingat ni Mabatid at kinuha rin nila ang mamahaling smart phone ni Gonzales saka sila tumakas pa-hilagang direksyon.
Nagsagawa ng manhunt operation ang pulisya at sunud-sunod na naaresto sina Almocera, Somera at ang mastermind umano na si Romero. Narekober din umano sa bahay ni Somera ang cash, cellphone at ilang piraso ng mga bala.
- Latest