P50 milyong endangered giant clams nasamsam
MANILA, Philippines — Nasa P50 milyong halaga ng mga endangered na giant clams o taklobo ang nasamsam habang arestado ang lalaking ilegal na nagbebenta nito sa isinagawang entrapment operation ng pulisya sa Bayawan City, Negros Oriental nitong Biyernes.
Sa report ng Police Regional Office (PRO) 7 kay PNP chief P/General Debold Sinas, kinilala ang nasakote na si Ricarido Santiana dela Cruz.
Ayon kay Sinas, nadakip ang suspect sa ikinasang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Crime Investigation and Detection Group (CIDG)-Regional Field Unit (RFU) 7, Bayawan City Police, Negros Oriental Police Provincial Office, 1st Provincial Mobile Force Company katuwang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Brgy. Pagatban, Bayawan City.
Nakumpiska sa suspek ng 1,000 kilo ng higanteng taklobo na nagkakahalaga ng P5 milyon matapos bentahan ang isang undercover agent at karagdagang 10,000 kilong taklobo pa ang nakuha rito kaya umabot sa P50 milyong halaga kasama pa ang cal. 45 pistol ng suspek, isang magazine at pitong bala.
Nakatakas sa operasyon ang dayuhang si Yan Hu Liang alyas “Sunny”, isa umanong Chinese at tinukoy na may-ari ng mga endangered species na nagkakahalaga ng P918 milyon sa international market.
- Latest