4 minero patay, 11 sugatan sa landslide!
6 katao pa nawawala
MANILA, Philippines — Apat na minero ang patay, 11 ang sugatan habang anim pa ang nawawala matapos ang landslide sa isang minahan ng copper sa Toledo City, Cebu sanhi ng mga malalakas na pag-ulan na dulot ng bagyong Vicky nitong Lunes ng hapon.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 7, alas-4:15 ng hapon nang mangyari ang landslide sa Carmen Copper Corporation (CCC), ang minahan na ino-operate ng Atlas Consolidated Mining Development Corporation na matatagpuan sa Brgy. Biga ng lungsod.
Nasagip ang nasa 11 minerong sugatan pero tatlong bangkay ang unang naiahon ng mga rescue team ng pamahalaang lungsod at sumunod na narekober ang isa pang bangkay kahapon. Anim pang minero ang sinisikap na mahanap matapos matabunan ng lupa sa minahan.
Hindi pa tinukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga biktima ng pagguho.
Nagpaabot na ang GCC ng kanilang pakikiramay sa pamilya ng mga minerong nasawi sa trahedya at tiniyak ang tulong sa kanilang naulilang pamilya.
“We would like to extend our outmost gratitude to Private Groups and Toledo City government Emergency Response Team for attending valuable assistance in our search and rescue operations,” pahayag ng GCC.
Ang nasabing minahan ay pinakamalaki sa buong Asya bagama’t pansamantalang ipinatigil ng Atlas ang operasyon nito noong 1994 dahil sa pagbagsak ng presyo ng copper. Noong 2007, muling nagbalik ang operasyon ng minahan.
- Latest