Trike inararo ng bus: 2 patay, 2 kritikal
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Patay ang dalawang indibiduwal habang dalawa pa ang malubhang nasugatan sa naganap na salpukan ng bus at tricycle sa bayan ng San Miguel, dito sa lalawigan kamakalawa ng gabi.
Sa report ng San Miguel Police, naganap ang insidente bandang alas-9:05 ng gabi nitong Disyembre 17 sa Cagayan Valley Road, Brgy. Balite sa San Miguel.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, binabagtas ng tricycle driver na may tatlong pasahero ang southbound lane nang aksidente silang araruhin ng kasalubong na bus na pa-northbound.
Dahil dito, nawasak ang tricycle sa lakas ng pagkakasalpok ng bus na bumangga naman sa isang bakuran ng bahay habang tumilapon at bumulagta naman ang duguang driver at ang tatlong pasahero sa kalsada.
Sinasabing dead-on-arrival ang trike driver at ang isang pasahero nito habang ang dalawa pa ay nagtamo ng malubhang pinsala sa iba’t ibang parte ng katawan na dinala ng rescue team sa San Miguel District Hospital para sa paunang lunas.
Nasa kustodiya ng San Miguel Police ang driver ng bus na si Joseph Christian Catingco, 35, binata ng Brgy. Nagmisahan, Cuyapo, Nueva Ecija na nahaharap sa kaukulang kaso.
- Latest