Laguna mayor itinumba sa munisipyo
MANILA, Philippines — Patay ang 66-taong gulang na mayor ng Los Baños, Laguna matapos pagbabarilin ng ‘di pa kilalang mga suspek habang naglalakad sa loob ng compound ng munisipyo noong Huwebes ng gabi.
Ayon kay Laguna Police Provincial Office Spokeswoman Lt. Col. Chitadel Gaoiran, katatapos lang magpamasahe ni Mayor Cesar Perez at naglalakad na patungong municipal hall sa Barangay Timugan nang lapitan ng gunman at barilin sa ulo ng dalawang beses bandang alas-8:45 ng gabi saka tumakas ang mga suspek.
Naisugod pa si Perez sa HealthServ Medical Center pero idineklara na siyang patay alas-9:25 ng gabi.
Si Perez na naging vice-governor ng Laguna ay kabilang sa 46 “narco politicians” na pinangalanan ni President Rodrigo Duterte matapos masampahan ng mga kaso sa Department of the Interior and Local Government noong 2019 habang noong Dis. 2017, tinanggalan din ng kapangyarihan si Perez para sa lokal na pulisya matapos siyang masangkot sa illegal na droga.
Kinondena naman ni Laguna Gov. Ramil Hernandez ang pamamaslang sa alkalde at inutos niya ang malalimang imbestigasyon upang malaman ang motibo sa krimen at makilala ang mga suspek.
Inatasan na ni DILG Secretary Eduardo Año ang PNP na masusing imbestigahan ang kaso ng pagpatay kay Perez at agad na madakip ang mga taong nasa likod ng krimen at mapanagot sa batas. - Doris Franche at Mer Layson
- Latest