7 ‘karnaper’ timbog sa Bulacan
SAN MIGUEL, Bulacan, Philippines — Bumagsak sa kamay ng mga otoridad ang pitong sinasabing kilabot na karnaper sa isinagawang operasyon kahapon ng umaga sa Brgy. Salacot ng nasabing bayan.
Kinilala ni P/Lt. Col. Voltaire Rivera, hepe ng San Miguel Police ang mga suspek na sina Christian Golez, 26-anyos ng North Caloocan, Quezon City; Marlon Reyes, 31, ng Brgy. Rosario, Santiago, Isabela; Jephriel Pulpulaan, 23, ng Malayugan Flora, Apayao; Jayson Tiangco, 36, ng Talavera, Nueva Ecija; Kevin Sabido, 26, ng North Caloocan, QC; at Christopher Sarmiento, 44, ng Daniel Fajardo, Las Piñas City at isang babae na si Chairmaine Bilagat, 26, ng Gattaram, Cagayan; pawang sangkot sa iba’t ibang carnapping incidents sa Metro Manila at karatig lalawigan kasama na ang Bulacan at Pampanga.
Unang nakalaboso ang tatlong suspek matapos na kusang loob na sumuko sa San Miguel Police dahil sa takot na mapatay sakaling magkaroon ng manhunt operation laban sa kanila. Narekober sa tatlo ang isang pulang Mitsubishi Mirage (NDP-4049).
Sumunod na naaresto ang apat pang suspek matapos silang matunton ng pulisya sa pamamagitan ng GPS na nakakabit sa sinasakyan nilang kulay gray na Fortuner na may plakang NEP-3920. Sila ay naharang sa inilatag na checkpoint ng San Miguel Police.
Ang nasabing Fortuner ay kinarnap noong Martes ng hapon sa Muntinlupa City na pag-aari ng isang Jiade Wang.
- Latest