Southbound lane ng Cavitex isasara ng 3-buwan dahil sa konstruksyon ng LRT-1 extension
MANILA, Philippines — Ipinaalam sa publiko na tatlong buwang sarado, simula sa Setyembre 15, ang southbound lane ng Cavitex malapit sa Parañaque City bridge, upang bigyang-daan ang konstruksyon ng Cavite Extension Project ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1).
Ayon sa Light Rail Manila Corporation (LRMC), magtatagal ng tatlong buwan o hanggang Disyembre 15 ang naturang pagsasara para sa pipe relocation works ng Maynilad sa 11.7-kilometrong LRT-1 Cavite Extension project.
Sinabi ng LRMC, batid nila na magdudulot ng abala sa publiko ang proyekto kaya’t kaagad na humingi ng paumahin.
Tiniyak naman ni LRMC Cavite Extension Management Team (CEMT) Project Execution Manager Reynaldo Pangilinan na sa sandaling matapos na ang proyekto ay magiging mas mabilis na ang kanilang biyahe sa pagitan ng Baclaran sa Parañaque City at Bacoor sa Cavite.
Ayon sa operator, nasa 40% na ng mga aspeto ng proyekto ang naabot simula nang umpisahan ang civil works noong Setyembre 2019. Sinisimulan na rin naman umano ang construction works sa iba pang area at mga istasyon ng proyekto.
- Latest