Colonel tiklo sa carnap vehicle
MANILA, Philippines — Inaresto ng pinagsanib na elemento ng PNP-Integrity Monitoring Enforcement Group (PNP-IMEG) at National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang police colonel matapos mahuli sa aktong gumagamit ng karnap na AUV sa operasyon sa San Mateo, Rizal nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ni PNP-IMEG director P/Brig. Gen. Ronald Oliver Lee ang nasakoteng opisyal na si P/Lt. Col. Renato Banas Castillo, 46, nakatalaga sa NCRPO Regional Headquarters at residente sa Block 17, Lot 8, Phase 4B, Tierra Monte, Brgy. Silangan, San Mateo, Rizal.
Ayon kay Lee, hindi na nakapalag si Castillo matapos arestuhin ng mga kabaro habang minamaneho ang isang kulay pulang Toyota Innova (WKO-650) na iniulat na kinarnap habang nakaparada sa Magnolia St. Roxas District, Quezon City noong Agosto 5, 2014 na inireport ng may-aring si Jonnel Sangalang.
Bandang alas-6:30 ng gabi nitong Huwebes nang maispatan si Castillo sa Brgy. Silangan Road, Brgy. Silangan habang gamit nito ang nasabing AUV pero iba na ang nakakabit na plaka (AAM-3350) na orihinal na plaka ng isang Isuzu D-MAX.
Sinabi ni Lee na agad dinisarmahan ang opisyal ng dala nitong service firearm na may magazine, 11 bala at cellphone.
- Latest

















