Parak kalaboso sa indiscriminate firing
Nagwala matapos awayin ni misis
MANILA, Philippines — Bagsak kalaboso ang isang pulis matapos masangkot sa indiscriminate firing o walang habas na pagpapaputok matapos siyang magwala nang awayin ng kanyang asawa sa Brgy. Cogon, Tagbilaran City, Bohol, kamakalawa.
Kinilala ang pasaway na parak na si Staff Sergeant Randy Joy Itong, residente ng Brgy. Cogon ng lungsod, na nahaharap sa kasong administratibo at kriminal. Siya ay sinibak na sa puwesto sa Provincial Mobile Force Company (PMFC) na nakabase sa Camp Francisco Dagohoy Headquarters.
Sa report ni Bohol Provincial Police Office (PPO) director Lt. Colonel Jonathan Cabal, pasado alas-11 ng gabi nang maganap ang pagpapaputok ng pulis sa bisinidad ng kanyang tahanan sa Brgy. Cogon.
Bago ito, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng nasabing pulis at misis nito. Sa galit, pinaputok sa ere ng pulis na mister ang kanyang service pistol Glock 17 at inubos nito ang dalawang catridge case at tatlong magazine na puno ng bala.
Nagresponde naman ang mga operatiba at nasakote ang nasabing parak na ngayo’y nasa kustodya na ng Tagbilaran City Police.
- Latest