2 tigok sa bagyong Quiel
8 bayan sa Cagayan lubog sa baha
MANILA, Philippines — Walong bayan sa lalawigan ng Cagayan ang lumubog sa baha habang dalawa naman katao ang nasawi sanhi ng malalakas na pag-ulan na dulot ng tropical depression Quiel at tail end of the cold front, ayon sa opisyal kahapon.
Ang mga nasawing biktima ay sina Eljay Dallego,10, nasawi sa pagkalunod sa Brgy. Bagsac, Mapulapula, Claveria, Cagayan at Augusto Achagan, 36, namatay naman sa landslide.
Sinabi ni Office of Civil Defense (OCD)Region 2 Director Dante Balao, kabilang sa mga lugar na apektado ng mga pagbaha ay ang mga bayan ng Allacapan, Pamplona, Sanchez Mira, Claveria, Sta. Praxedes, Abulug, Ballesteros at Baggao.
Sinabi rin ni Balao na nasa 2,373 pamilya o katumbas na 8,185 katao mula sa 84 barangays sa mga nasabing bayan ang binaha kung saan ang mga ito ay inilikas sa mga evacuation center habang ang iba naman ay nakituloy sa kanilang mga pamilya sa mga ligtas na lugar.
Samantalang naapektuhan naman ng landslide ang highway sa Santa Praxedes kung saan nagsagawa ng clearing operations ang mga otoridad.
Nagsuspinde na rin ng klase sa lahat ng antas sa nabanggit na mga bayan maliban na lamang sa Allacapan at Pamplona na pre-school hanggang senior high school lamang ang sinuspinde dulot ng masamang lagay ng panahon.
- Latest