1 tigok, 4 naospital sa ‘Butete’
TUGUEGARAO CITY, Cagayan , Philippines — Isang 35-anyos na mangingisda ang patay matapos malason habang kritikal ang anak nito at tatlong iba pa matapos kumain ng isdang “Butete” sa Ilocos Norte at Ilocos Sur kamakalawa. Isinugod sa ospital ng mga pulis sa Pagudpud, Ilocos Norte ang mag-amang Rizalino Dela Cruz, 35, at Arjay, 13, matapos maghapunan ng “Butete” sa kanilang bahay sa Sitio Quirino, Poblacion Uno. Ilang sandali matapos kumain, nakaramdam na ng pananakit ng tiyan, pagkahilo, pagsusuka ang mag-ama kaya’t isinugod sila sa pagamutan sa bayan subalit hindi na umabot nang buhay ang nakatatandang Dela Cruz.
Inilipat naman sa Gov. Roque Ablan Sr. Memorial Hospital sa Laoag City ang binatilyo kung saan siya inoobserbahan. Samantala sa Ilocos Sur, bumaligtad ang mag-utol na sina Jestony, 22, at John Mark Salvador, 23, matapos nilang gawing pulutan ang naturang isda sa Brgy. Miramar, Magsingal. Isinugod sa pagamutan ang dalawa kasama ang 5-anyos nilang pinsang paslit na nakitikim lamang sa Butete.
- Latest