2 suspek sa massacre sumuko
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Sumuko ang dalawang suspek sa karumal-dumal na pagpatay sa apat na negosyante sa isang videoke bar sa Lal-lo, Cagayan noong Lunes.
Sinabi ni Cagayan Valley Police Director Chief Supt. Mario Espino na sinampahan na rin nila ng kasong multiple murder sa Department of Justice ang dalawang suspek sa masaker na sina Arnold Tamayo, 35, at Noli Ladia, 23, taga Barangay Baraoida, Gattaran matapos silang positibong kinilala ng mga saksi nang kanilang ratratin ang mga mag-asawang sina Princess Angelica Javier at Eugene Javier; Ramsey Javier at Michaela Javier na pawang may-ari ng Star Babe Videoke Bar.
Ayon kay Espino, sumuko ang dalawang suspek kay Chief Insp. Ramon Macarubbo, hepe ng Lal-lo Police upang umano’y linisin ang kanilang pangalan sa krimen. Ito ay matapos na lumabas sa social media particular sa Facebook ang mga CCTV footages sa isang hotel habang kasama ng mga suspek ang isang GRO na kanilang kinuha sa nasabing bar.
Lumalabas na ang GRO ay ang naging ugat ng mainitang pagtatalo ng mga suspek at mga negosyanteng biktima dahil sa pagtakas ng nasabing GRO sa pinagdalhang hotel na kanilang kinuha sa bar, makaraang tumanggi na makipagtalik sa dalawa dahil katatapos lang nito na manganak.
- Latest