Reporter ng Star, kinatay ng tambay!
Dahil lang sa bola
LEGAZPI CITY, Albay , Philippines — Patay ang isang correspondent ng pahayagang Philippine Star, sister company ng pahayagang ito, makaraang pagsasaksakin ng isang tambay dahil lang sa hindi pagpapahiram ng bola habang naglalaro ng basketball ang biktima sa covered court sa Brgy. San Roque, Daraga, ng lalawigan kahapon ng umaga.
Napuruhan ang atay at ilang internal organ dahil sa malalalim na saksak ng biktimang si Celso Tan Amo, 66-anyos, ng nasabing barangay sanhi ng kanyang kamatayan. Agad namang naaresto ang suspek na si Adam Johnson Majestrado Abanes, 33, ng Brgy. Dao, Pilar, Sorsogon na laging tumatambay sa nasabing basketball court.
Sa ulat ni Sr. Insp. Mayvelle Gonzales, tagapagsalita ng Albay Police Provincial Office, dakong alas-8:05 ng umaga habang naglalaro ng basketball ang biktima nang lapitan ng suspek at hinihiram ang bola. Gayunman, hindi pinahiram ng biktima dahil sa hindi pa siya tapos maglaro na bahagi ng kanyang ehersisyo kada Linggo. Bunsod nito, nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot ng kutsilyo si Abanes at pinagsasaksak ang biktima.
Sa panayam kay Supt. Benito Dipad, hepe ng Daraga Police, nabatid na unang sinaksak ang biktima sa likod at nang humarap ay ilang ulit pa siyang sinaksak ng suspek sa tiyan gamit ang malaking kutsilyo.
Ayon kay Dr. Alexander Cortez, namatay habang nasa operating room ng Bicol Regional Training and Teaching Hospital si Amo, dakong alas-10:18 ng umaga.
- Latest