Maute-ISIS, sundalo utas sa encounter!
MANILA, Philippines — Patay ang isang umano’y miyembro ng kilabot na Maute-Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) inspired terrorist group habang isa sa hanay ng mga sundalo ang nalagas makaraan ang umaatikabong engkuwentro sa pagitan ng mga terorista at tropa ng pamahalaan sa liblib na lugar sa Tagaloan, Lanao del Norte kamakalawa.
Ayon kay Capt. Clint Antipala, acting deputy chief ng public affairs office ng 1st Infantry Division (ID) ng Phl Army, nakasagupa ng 4th Mechanized Infantry Battalion (IB) at ng National Bureau of Investigation (NBI) agents ang nalalabi pang miyembro ng Daulah Islamiyah Maute dakong alas-8:30 ng umaga sa Brgy. Malimbato at Upper Dimayon ng bayang ito.
Ang palitan ng putok ay tumagal ng may 10 minuto na nagresulta sa pagkakapatay sa Maute-ISIS member na kinilalang si Hadji Rasol Mambuay alyas ‘Mercury’. Narekober mula rito ang isang Elisco M16 A1 rifle, isang hand grenade, isang magazine, dalawang handheld radio at sari-saring mga materyales para sa Improvised Explosives Device (IED).
Minalas namang mapatay sa bakbakan ang isang sundalo na hindi muna tinukoy ang pangalan habang iniimpormahan pa ang pamilya nito.
Sinabi ni Antipala, ang mga nakasagupa ng mga awtoridad na Maute-ISIS ay ang mga nakatakas sa kasagsagan ng bakbakan sa Marawi City siege na nag-umpisa noong Mayo 23, 2017 na umabot ng pitong buwan.
- Latest