Station manager tinangkang ilikida, bahay pinasabog!
MANILA, Philippines — Wasak ang dalawang sasakyan matapos na sumambulat ang itinanim na granada ng riding-in-tandem sa bahay ng isang radio station manager at broadcast journalist na hinihinalang siyang target na ilikida kahapon ng madaling araw sa Legazpi City, Albay.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, dakong ala-1:15 ng madaling araw kahapon nang sumabog ang granada sa bahay ni Hermogenes “Jun” Alegre Jr., 47, sa Blk 13, Purok 5, Kabisig St. Our Lady’s Village, Barangay Bitano.
Si Alegre ay station manager ng Zagitsit News FM station at correspondent din sa Albay ng DzRH.
Nasira sa nasabing pagsabog ang puting Toyota Hilux at isa pang sasakyan na nakaparada sa tabi ng bahay ng nasabing broadcast journalist.
Ayon kay Alegre ang granada ay itinanim ng mga ‘di kilalang suspek sa ilalim ng kanyang pick-up na sasakyan na nakaparada sa bakuran ng kanyang bahay. Sa kabila nito, masuwerte namang walang nasaktan sa nasabing pagsabog habang patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
Ilang residente sa lugar ang nakakita sa motorcycle riding-in-tandem na mabilis na tumakas matapos ang pagsabog.
May hinala naman ang broadcast journalist na ang pagsabog ay may kinalaman sa kanyang trabaho kaya siya tinatakot o posibleng tangkang patayin.
Inaalam ng pulisya kung may kaugnayan ang pagsabog sa insidente ng pamamaril noong Agosto 24, 2017 ng riding-in-tandem suspect sa kotse ng news-anchor ng Zagitsit FM na si Carlos Sasis at sa death threat na natatanggap ng co-anchor nito sa programang “Dos Manos” na si Walter “Sultan Wally” Magdato. Jorge Hallare
- Latest