Bus na-stranded sa baha: 25 nasagip
QUEZON, Philippines — Umaabot sa 25-katao kabilang ang driver at konduktor ang nasagip ng rescue team ng militar sa na-stranded na pampasaherong bus sa lumubog sa binahang highway sa bayan ng Pitogo, Quezon kahapon ng umaga.
Ayon kay Major Gen. Rhoderick Parayno, kumander ng Army’s 2nd Infantry Division, bandang alas-7 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang Army’s 2nd Infantry Brigade sa na-istranded dahil sa tubig-baha ang pampasaherong bus sa Barangay Biga.
Nabatid na lumubog sa baha ang sasakyan at napilitan ang 23 pasahero, driver at konduktor na umakyat sa bubungan ng DLTB Bus Company na minamaneho ni Joseph Serrano na nagmula pa sa Pasay at patungong Bicol Region.
Nagpadala naman ng truck ang Army’s 85th Infantry Battalion na nakabase sa Gumaca at mga bangka ang lokal na pamahalaan para masagip ang mga na-istranded na pasahero.
Samantala, bandang alas-9 ng umaga na masagip mula sa panganib ang na-istranded na mga biktima.
- Latest