Trak hulog sa bangin: 5 utas, 24 sugatan
MANILA, Philippines - Lima katao ang nasawi habang 24 iba pa ang sugatan makaraang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang pickup truck habang pauwi ang mga biktima mula sa dinaluhang kasalan sa Poblacion, Tinglayan, Kalinga nitong Miyerkules ng hapon.
Kinilala ni Supt. Cherry Fajardo, tagapagsalita ng Cordillera Regional Police, ang dalawa sa nasawi na sina Patricio Daliyong at Sabas Onalan na pawang residente ng Tabuk City ng lalawigan at idineklarang dead-on-the-spot sa insidente habang ang tatlo na sina Anastacia Abagoy, Isabel Ladaw at Virginia Manisim, pawang nakatira sa Tinglayan ay binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Kalinga Provincial Hospital.
Ang mga nasugatan ay isinugod sa Tinglayan Regional Hospital Unit at ibang pang ospital sa Tabuk City.
Sa imbestigasyon, bandang alas-3:50 ng hapon habang binabagtas ng double cab pickup na minamaneho ni Salvador Lumibao Oklod, 35-anyos, ang kahabaan ng Poblacion-Tulgao Road sa Sitio Patoy, Poblacion nang maganap ang trahedya.
Nabatid na kagagaling lamang sa isang kasalan at pauwi na sa kanilang tahanan ang mga biktima nang sapitin ang malagim na sakuna.
Lumilitaw na nawalan ng preno ang makina ng sasakyan lulan ang 29 katao na naging sanhi upang hindi na nakontrol ng driver ang manibela hanggang sa mabilis at tuluy-tuloy na bumulusok ang sasakyan sa malalim na bangin na nasa tabi ng highway. Gumulong pa sa ibaba ng may 20 metrong lalim na bangin ang sasakyan bunsod ng tinamong matitinding sugat sa ulo at katawan ang mga biktima.
Hawak na ng pulisya ang driver ng naturang truck na nahaharap sa kasong kriminal.
- Latest