4 bumulagta sa bakbakan
MANILA, Philippines – Apat-katao kabilang ang dalawang sympathizer ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang napaslang matapos ang sagupaan ng mga tauhan ng Sultan at armadong bandido sa magkahiwalay na bakbakan sa Lanao del Sur noong Biyernes.
Sa pahayag ni Major Felimon Tan, Army’s regional spokesman, naitala ang unang bakbakan pasado alas-6 ng umaga sa Barangay Gata, bayan ng Buadipuso.
Ayon kay Tan, napatay si Panundi Sultan at anak nitong si Noble makaraang makorner ng mga armadong terorista sa nasabing lugar.
Nang mabatid ang pagkamatay ng mag-ama ay sumugod din sa nasabing lugar ang mga armadong kaanak ni Sultan at nakabakbakan ang grupo ng mga terorista.
Tumagal ng isang oras ang bakbakan hanggang sa magsiatras ang grupo ng lokal na terorista na inabandona ang isang napatay na kasamahan na naka-headband pa ng itim na may simbolo ng ISIS.
Samantala, habang papatakas ay nakasagupa naman ng mga elemento ng Army’s 65th Infantry Battalion ang mga terorista sa liblib na bahagi ng Barangay Lilod, Maguing kung saan napatay ang isa sa mga kalaban na nakunan pa ng M4 assault rifle.
Patuloy naman ang pagtugis ng militar laban sa grupo ng mga lokal na terorista.
- Latest