2,000 pasahero stranded sa Cagayan de Oro
MANILA, Philippines – Umaabot sa 2,000 pasahero ang na-istranded sa Cagayan de Oro City dahil sa malalakas na pagbuhos ng ulan na dulot ng low pressure area (LPA) sa rehiyon ng Mindanao.
Ito’y matapos kanselahin ng Philippine Coast Guard sa Northern Mindanao ang paglalayag ng mga sasakyang pandagat na bumibiyahe patungong Cebu, Bohol at maging sa Metro Manila upang maiwasan ang peligro at kapahamakan sa karagatan.
Sa ulat ng Office of Civil Defense Region 10, ilang sasakyang pandagat din ang nakahimpil sa pantalan ng nasabing lungsod dahil sa masamang lagay ng panahon.
Kaugnay nito, dumaranas naman ng pagbaha ang ilang bayan sa CARAGA Region bunga ng bagyong Onyok na nalusaw pero nagdudulot pa rin ng malakas na pag-ulan.
Kabilang sa mga bayang apektado ng mga pagbaha ay ang mga bayan ng San Franciso, Prosperidad, Esperanza at maging ang Sibagat Islands sa Agusan del Sur.
Patuloy naman ang monitoring ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga rehiyon na apektado ng malalakas na buhos ng ulan dulot ng LPA at ng tail end of cold front.
Nabatid na maging ang tropa ng militar ay pinakilos upang sumaklolo sa mga residenteng apektado ng kalamidad.
- Latest