Nanay, 2 anak dedo sa landslide
MANILA, Philippines – Patay ang 34-anyos na nanay at dalawa nitong anak na menor-de-edad makaraang maguhuan ng lupa ang kanilang bahay sa naganap na landslide sa Barangay Tanauan, bayan ng Real, Quezon kahapon ng hapon.
Kinilala ang ina na si Normita Lastimosa, at dalawang anak nitong sina Joan Lastimosa,10; at Joylyn Lastimosa, 5.
Sa ulat ni P/Senior Inspector Henry Luna ng Real PNP, naitala ang landslide bandang alauna ng hapon kung saan patuloy ang pagbuhos ng ulan kaya gumuho ang lupa mula sa bundok na tumabon sa apat na kabahayang nasa paanan nito.
Napuruhan sa landslide ang bahay ng pamilya Lastimosa habang nagtamo rin ng pinsala ang mga kapitbahay na pamilya Resplandor, Bello at Lumabe.
Sa nasabing insidente ay masuwerte namang nakaligtas ang iba pa na kinilalang sina Virginia Pia, 36; Jerine Lastimosa, 13; John Mark Lastimosa, 15; at si John Carlos, 8.
Sa kasalukuyan, patuloy ang search and retrieval operation habang pinag-iingat naman ang mga residente sa posible pang pagguho ng lupa dahil sa low pressure area at amihan na nagdudulot ng malakas na pag-ulan sa mga nasabing lugar.
Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot sa 34 ang death toll pero kung ibibilang ang ulat mula sa mga opisyal sa mga lugar na apektado ng bagyo ay aabot na sa 40 ang namatay sa kalamidad.
- Latest