8 terorista bulagta sa encounter
MANILA, Philippines – Walong terorista na karamihan ay lokal na nakipag-alyansa sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) kabilang ang isang Indonesian national ang napaslang sa umaatikabong pakikipagbakbakan sa tropa ng Philippine Marines sa liblib na bahagi ng bayan ng Palimbang, Sultan Kudarat kahapon ng umaga.
Ayon kay Major Filemon Tan Jr., spokesman ng AFP-Western Mindanao Command, ang mga napatay ay miyembro ng Ansar Al Khalifa, terror cell na kaalyado ng IS na nag-o-operate sa Syria at Iraq.
Ang grupo ay ipinangalan sa founder na si Ansar Al Khalifa na binuo sa Sarangani.
Bandang alas-5:40 ng umaga nang makasagupa ng tropa ng Philippine Marines ang teroristang grupo sa liblib na lugar sa Sitio Sinapingan, Brgy. Butril sa nasabing bayan.
Sa clearing operation, kabilang sa mga narekober na bangkay ay ang Indonesian terrorist na si Abdul Fatah, miyembro ng jihadist regional terror group ng Jemaiah Islamiyah terrorist.
Narekober sa encounter site ang isang Barrette call 50 sniper rifle, isang M16 rifle, isang cal. 45 pistol, isang ICOM radios at limang piraso ng bandila ng ISIS.
Napaulat na tatlong Syrian national na mga miyembro ng ISIS ang sinasabing nakapuslit sa bansa at sumapi sa Khalifa Group.
Nabatid na huling namataan ang tatlong Syrian terrorists sa Central Mindanao na kasama ng grupo ni Amin Bako na notoryus na bomber ng JI terrorist.
- Latest