Maporma, inutas sa inuman
QUEZON, Philippines - Naging mitsa ng kamatayan ng 46-anyos na mister ang pagiging maporma nito matapos itong pagsasaksakin ng senglot na kainuman sa Sitio Sampaloc Lake, Barangay Malabanban Norte sa bayan ng Candelaria, Quezon kamakalawa ng hapon. Dalawang saksak sa leeg ang tumapos sa buhay ni Joseph Acupiado ng Barangay Balubal sa bayan ng Sariaya, Quezon habang tugis naman ang suspek na si Homer Curtado, 38, ng nabanggit na barangay. Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Art Brual Jr., hepe ng Candelaria PNP, binisita ng biktima ang kanyang kaibigan at nakipag-inuman sa bahay ni Margarita Cuevas. Nang malasing ang suspek ay pinuna nito ang pagiging maporma ng biktima hanggang sa mauwi sa mainitang pagtatalo. Gayon pa man, pumunta sa kusina ng bahay ang suspek at nang bumalik ay sinaksak ng dalawang beses ang biktima.
- Latest