7 heavy equipment sinunog ng NPA
BATANGAS, Philippines – Pitong heavy equipment ang sinunog ng mga rebeldemg New People’s Army sa bayan ng Sto. Tomas, Batangas noong Miyerkules ng gabi.
Sa police report na isinumite kay P/Supt Noel Nuñez, hepe ng Sto. Tomas PNP, bandang alas-10 ng gabi nang pasukin ng mga armadong kalalakihan ang Revere Construction Compound sa Barangay San Agustin sa nabanggit na bayan.
Agad tinipon ng NPA rebs ang mga kawani sa loob ng kubo saka pinadapa at sinabihang huwag makikialam.
Sinimulang buhusan ng gasolina ang pitong heavy equipment saka sinilaban.
Sa inisyal na ulat, lumitaw na nakatanggap ng extortion letter ang may-ari ng construction company na si Renato Maligalig may apat na buwan na ang nakalipas pero hindi umano ito nagbigay dahil sa laki ng halagang hinihingi ng grupo.
Matapos ang panununog, naglakad lang papalayo ang mga rebelde patungo sa bulubunduking bahagi ng bayan ng Alaminos, Laguna.
Wala namang nasaktan sa nasabing insidente habang inaalam pa ang kabuuang halaga ng nawasak na ari-arian ng kumpanya.
- Latest