Tagbilaran Airport isinara dahil sa haze
MANILA, Philippines – Pansamantalang isinara ang Tagbilaran City Airport dahil sa makapal na usok mula sa forest fire ng Indonesia na bumalot sa landmarks.
Daan-daang pasahero na patungong Bohol mula sa Manila ay nagre-route sa Cebu City matapos magpalabas ng advisory mula sa tower controller ng Tagbilaran Airport kaugnay sa gumagapang na haze.
Maging ang mga pasaherong na-stranded na patungong Manila mula sa Bohol ay naglayag na patungo naman sa Cebu bago mag-flights mula sa Mactan-Cebu International Airport.
Wala namang pinapayagang flights na patungong Bohol mula sa Manila dahil sa makapal na usok na bumalot sa landmarks kung saan kapos sa instrument landing system (ILS) ang Tagbilaran Airport.
Ayon sa airport tower controller na si Joel Palingcod, wala namang eroplano na bumiyahe matapos ang unang flights mula sa Maynila dahil sa zero visibility na dulot ng haze.
Mapanganib sa mga eroplanong bumiyahe pa-Maynila dahil sa kapal ng usok na bumabalot sa mga kabundukan ng Maribojoc at Panglao kung saan ito ang landmark ng mga piloto.
Sinabi pa ni Palingcod, mas matindi ang sitwasyon sa Dumaguete Airport sa Sibulan, Negros Oriental kung saan ang visibility ay aabot lamang sa one-kilometer range dahil sa haze.
Nabatid na pinagbabatayan ng mga piloto na ligtas na bumiyahe kapag ang visibility ay may 5-kilometro na makikita ang landmarks. Freeman News Service
- Latest