10 bilanggo natupok sa sunog sa Penal Colony
MANILA, Philippines - Sampung preso ang kumpirmadong nasawi habang isa ang nawawala matapos lamunin ng apoy ang Eastern Visayas Penal Colony sa Abuyog, Leyte nitong Huwebes.
Base sa report ng Leyte Provincial Police Office (PPO), nagsimula ang sunog sa naturang piitan dakong alas-3:45 ng hapon sa Building 1 ng maximum security compound.
Ayon kay Abuyog Deputy Fire Chief Junrey Ong, wala silang natanggap na ulat na may nakatakas na preso sa kasagsagan ng sunog.
Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na faulty electrical wiring ang pinagmulan ng sunog malapit sa comfort room ng Building 1 ng maximum security compound kung saan nasunog rin ang hospital sa gusali.
Matapos magresponde ang mga pamatay-sunog ay nakuha ang mga bangkay at idineklarang fire out dakong alas-11 ng gabi. Dinala ang mga survivors sa medium security building ng nasabing Penal Colony na binubuo ng pitong gusali sa buong compound nito.
Sa tala, nasa 1,256 preso ang nasa piitan pero sa headcount ay umabot sa 1,245 ang accounted matapos maapula ang apoy na tumupok sa kulungan.
- Latest