Police asset itinumba ng tandem
MANILA, Philippines – Napaslang ang 39-anyos na police asset matapos itong ratratin ng riding-in-tandem gunmen sa housing site sa Cadawinonan sa Dumaguete City noong Biyernes.
Limang bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Harris Alivio na sinasabing asset ng Special Operation Group sa nasabing lungsod at dating jail guard na nasibak sa serbisyo dahil sa nagpositibo sa drug testing.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nakipagkita ang biktima sa isang alyas Tata Agui sa housing site noong Huwebes ng gabi kung saan kaagad itong umalis sakay ng kanyang motorsiklo.
Subalit hindi gumana ang headlight ng motorsiklo kaya pinagawa sa mga mekanikong sina Rico Sapio at Crisanto Cadayday.
Gayon pa man, habang pinanonood ng biktima ang kanyang motorsiklo na ginagawa ay niratrat ito ng tandem kung saan tinamaan ng ligaw na bala si Sapio.
Narekober sa crime scene ang 15-basyo ng bala ng baril, cal .45 pistol ni Alivio, 19 bala ng baril, tatlong magazines, sling bag at sunglasses.
Ayon kay P/Supt. Jovito Atanacio, si Alivio ay ikatlong police asset na ang napapatay ng hit men ng sindikato ng droga kung saan naunang pinatay sina Felixberto Somoza III at Roberto Repollo. Freeman News Service
- Latest