9 patay, 5 kritikal sa highway tragedy
MANILA, Philippines – Siyam-katao ang sinalubong ni kamatayan habang lima naman ang nasugatan kabilang ang tatlong nasa kritikal na kalagayan makaraang sumalpok sa malaking punungkahoy ang pampasaherong van sa gilid ng highway sa bayan ng Matalam, North Cotabato kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang anim sa namatay na sina Lyle Rudolf Octaviano, Nor Canda Asan, 28; Juliet Debalusan, 40; Haydee Gubaton, 55; Michael Akmad, 15; at si Oting Ayob.
Samantala, inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng iba pang biktima.
Nasa Cotabato Provincial Hospital naman ang tatlong sugatan na sina Soledad Echevarria, 55; Abel Debalusan, 33; at Eljane Varona.
Base sa ulat ni P/Chief Inspector Aldrin Gonzales, spokesman ng PNP regional command, bandang alas-3:45 ng madaling araw ng maitala ang trahedya sa kahabaan ng highway sa Barangay Upper Patadon.
Base sa pahayag ng konduktor ng van, sugatan din ang driver na si Brendo Singco bagaman hindi naman ito gaanong malubha kung saan tumakas ito sa takot na maaresto ng pulisya.
Lumilitaw na patungong Cotabato City ang mga biktima ng pampasaherong Toyota Hi-Ace van (LHM 995) mula sa Davao City nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver kaya sumalpok sa punungkahoy na nasa gilid ng highway.?
Nahirapan naman ang mga tauhan ni P/Chief Insp. Elias Colonia na makilala ang iba pa sa mga namatay dahil walang mga identification card habang nagkalat din ang kagamitan ng mga pasahero sa highway.
Pinaniniwalaang nakaidlip ang driver at masyadong mabilis ang takbo ng van kaya naganap ang trahedya.
Naglunsad na ng malawakang manhunt operations laban sa driver ng van habang patuloy ang imbestigasyon.
- Latest