Truck vs multicab: 9 lasog
NORTH COTABATO, Philippines – Umakyat na sa siyam-katao ang namatay sa naganap na salpukan ng multicab at 10-wheeler truck sa kahabaan ng national highway sa Barangay EJC Monrtilla, Tacurong City sa Sultan Kudarat kamakalawa ng hapon.
Ayon sa ulat ng hepe ng Tacurong City PNP na si P/Supt. Jhunny Buenacosa, kabilang sa namatay ay sina PO1 Dennis Sancho, 34, driver ng multicab at miyembro ng Ezperanza PNP; Teresita Yalong Versoza, 63, ng Bagong Silang, Kalawag 2, Isulan; Reggie Deligero Yalong, 30; Jaja Yalong, 7; Christian Jay Yalong Sancho, 5; Jelai Yalong, 8; Rosie Yalong Aquino, 51; at ang mag-inang Queenie Refugio, 36; at Angel Refugio, 6.
Sugatang naisugod sa Quijano Saint Louis Hospital sina Ricardo Aquino Yalong, 31; Ariel Aquino Yalong, ang driver ng truck na si Gerenio Paderna, 51, ng Brgy. Minapan, Tulunan, North Cotabato; at ang dalawang sakay ng truck na sina Rasil Murillo Guerrero, 42; Micheal Libung Diamante, 28, at ang dalawang kasamahan na isinailalim sa operasyon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pauwi na ang mga biktimang lulan ng multicab (AAU 2464) sa bayan ng Ezperanza, Sultan Kudarat mula sa isang reunion sa Monte Vicencio Resort sa New Passi, Tacurong City nang maganap ang trahedya.
Ayon kay Buenacosa, naganap ang salpukan makaraang mag-overtake ang multicab sa sinusundang sasakyan nang makasalubong at sumalpok sa truck (XDG -700) na pabalik na sana ng bayan ng Tulunan matapos makakuha ng mga produktong palay sa Brgy. Kapinkong sa bayan ng Lambayong.
Nabatid na hindi naman over-speeding ang dalawang sasakyan subalit puno lamang ng mga pasahero ang multicab at loaded naman ng palay ang truck.
- Latest