Lady executive dinukot, pinatay
MANILA, Philippines – Dinukot saka pinatay ang 45-anyos na lady engineer matapos itong barilin sa ulo ng mga di-kilalang lalaki saka iniwan sa loob ng kanyang kotse sa gilid ng highway sa Barangay Timugan, Los Baños, Laguna noong Sabado ng umaga.
Bandang alas-9:30 ng umaga nang matagpuan ang duguang katawan ni Imelda Natividad ng Lipa City, Batangas, at vice president ng construction firm sa Lipa City, Batangas.
Ayon kay P/Supt. Carlos Barde, hepe ng Lipa City PNP, ang biktima ay iniulat na nawawala noong Biyernes ng hapon kung saan sinasabing dinukot muna saka pinatay.
Lumilitaw din na nag-text ang isa sa kaibigan sa cellphone ng biktima kung saan sumagot namang hawak namin ang inyong engineer.
Ayon sa pulisya, namataan ang kotdeng Toyota Vios (ZFE 315) ng biktima sa bahagi ng Tiaong, Quezon bago ito abandonahin sa nasabing lugar.
Sa pahayag naman ni P/Supt. Romy Desiderio, hepe ng Los Baños PNP, ilang kabataan ang nakakita sa kotse ng biktima noong Sabado ng umaga na nakaparada sa gilid ng kalsada sa Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development sa nabanggit na barangay.
Umaandar pa ang makina ng kotse nang matagpuan ang biktimang iginapos at may tama ng bala ng baril sa ulo.
Wala namang tinangay na gamit ng biktima partikular na ang dalawang cellphone, personal na gamit at ang mga pagkain na nabili sa grocery ay nasa trunk ng kotse kung saan may palatandaan namalengke muna ang biktima bago siya dukutin.
Sinisilip naman ng mga imbestigador ng pulisya ang dalawang anggulong may kaugnay sa krimen kung saan ang pagkakasibak kamakailan lamang ng isang kawani ng construction firm at ang P20-milyong halaga ng property deal. Isinalin sa Tagalog ng patnugot
- Latest