4-pulis sibak dahil sa jailbreak
CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga, Philippines – Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin ang apat na pulis na miyembro ng City Anti-Illigal Drugs Special Operation Task Group makaraang makapuga ang notoryus na drug pusher na dating opisyal ng PNP na kanilang binabantayan noong Miyerkules ng madaling araw sa Angeles City, Pampanga.
Ipinag-utos ni P/Chief Supt. Ronald Santos, Regional PNP director ang pagsibak sa tungkulin kina PO1 Cris Adsuara, PO1 Jeffrey Latosa, PO1 Adonis Rabanal, at PO1 Joven Malazzab.
Kinilala ang nakatakas na si ex-P/Chief Insp. Arnaldo Camaya Nunag, 50, alyas Tinik, ng #51 Sta. Maria St. sa Saint Ignacius Subd., Barangay Pandan sa nasabing lugnsod.
Base sa tala ng pulisya, si Nunag ay naaresto ng mga operatiba ng pulisya sa pangunguna ni P/Supt. Demosthenes Fernandez sa inilatag na buy-bust operation noong Linggo.
Nabatid din na may nakabinbing kasong malversation of government property ang suspek na dinidinig sa sala ni Judge Eda P. Dizon-Era ng Regional Trial Court Branch 60 kung saan inisyuhan na ito ng warrant of arrest.
Napag-alamang nakatakas si Nunag matapos itong magpasama kay PO1 Adsuara na magbabawas sa palikuran.
- Latest




















