Malaysian cop na dinukot, laya na
MANILA, Philippines – Matapos ang halos walong buwang pagkakabihag sa Sulu, pinalaya na kahapon ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang isang miyembro ng Malaysian Police na kinidnap sa Sabah, Malaysia.
Kinumpirma ni AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Harold Cabunoc ang pagpapalaya ng mga bandidong kidnappers sa bihag na si Malaysian Marine Policeman Constable Zakiha Aleip. Aniya, nakarating na sa Sabah ang biktima dakong alas-7 ng umaga kahapon lulan ng speedboat.
Sa ulat ni Joint Task Group Sulu Commander Col. Allan Arrojado, sinabi ni Cabunoc na na-pressure ang mga bandido sa all out offensive sa lalawigan kaya napilitang palayain ang bihag na si Aliep. Inaalam kung may kapalit na ransom ang pagpapalaya ng mga bandido sa biktima.
Si Aliep ay dinukot ng mga armadong lalaki habang isa pang Malaysian Police ang nasawi nang atakihin ang diving resort sa Mabul Island, isang kilalang diving resort sa Malaysia noong Hulyo 12, 2014.
Sinabi ni Cabunoc, ilang oras matapos na ligtas na makabalik si Aliep at inihatid pa ng speedboat ng mga kidnapper sa Malaysia ay kumontak sa AFP ang intelligence operatives ng nasabing bansa at ipinarating na nakabalik na sa kanila ang Malaysian cop.
- Latest