Trader kinatay ng trabahador
MANILA, Philippines - Napatay ang 69-anyos na negosyante habang malubha naman ang ka-live-in nito matapos pagsasaksakin ng kanilang trabahador na naaktuhang nagnanakaw kamakalawa sa Barangay San Juan, Surigao City, Surigao del Norte kamakalawa.
Idineklarang patay sa Caraga Regional Hospital ang biktimang si Samuel Apole Sr. habang nakikipaglaban naman kay kamatayan ang ka-live-in nitong si Rosalia Escol.
Lumilitaw sa imbestigasyon na naalimpungatan ang magka-live-in sa nilikhang kaluskos ng 21-anyos na suspek na si Romart “Roldan” Payumo habang may naghahalughog sa kanilang silid.
Naaktuhan ni Apole ang suspek habang kinukuha sa shoulder bag ni Escol kaya’t nagsisigaw ang matanda para marinig ang mga kapitbahay.
Nairita ang suspek at sunud-sunod na sinaksak ang matanda at maging si Escol ay inundayan ng saksak matapos itong sumigaw din.
Mabilis na tumakas ang suspek tangay ang hindi pa mabatid na halaga habang naisugod ng mga kapitbahay sa pagamutan ang magka-live-in pero nabigong masagip ang matanda.
Narekober naman sa crime scene ang patalim na ginamit ng suspek.
- Latest