Trader itinumba sa harap ni misis
LEGAZPI CITY , ALBAY, Philippines – Binistay ng bala at pinagtataga pa sa leeg sa harapan ng kaniyang misis ang isang 68 anyos na negosyante makaraang harangin ng mga armadong kalalakihan ang sinasakyan ng mga itong motorsiklo sa Brgy. Mabuhay, San Pascual, Masbate kamakalawa.
Dead-on-the-spot sa insidente ang biktimang si Nicholas Ortega, residente ng naturang lugar.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas -3 ng hapon habang ang biktima at ang misis nitong si Josefina ay lulan ng motorsiklo pauwi sa kanilang tahanan ng harangin ng mga salarin pagsapit sa lugar.
Agad pinababa ng mga suspek na pawang armado ng M16 rifles at cal.45 pistol ang mag-asawa saka iginapos ang kamay ng mga ito.
Galit na galit umano ang mga salarin na pinagbabaril ang biktima na sinabihan pang ‘hayop kang matanda ka’ na hindi pinakinggan ang pagmamakaawa ng misis nito.
Matapos pagbabarilin ang matanda ay pinagtataga pa ito sa leeg na halos ikaputol ng ulo nito saka mabilis na nagsitakas ang mga salarin.
Pinaniniwalaan namang personal na galit ang motibo ng krimen habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso.
- Latest