Matapos dumalo sa Papal mass deboto nabagsakan ng sound system, patay
MANILA, Philippines – Isang 21-anyos na babaeng taga-Samar ang nasawi nang mabagsakan ng sound system na nakalagay sa scaffolding, matapos na dumalo sa Misa ni Pope Francis sa Tacloban City kahapon.
Sa inisyal na ulat na tinanggap ni Tacloban City Police Director P/Sr. Supt. Domingo Cabillan, katatapos lamang mag-Misa ni Pope Francis sa Daniel Romualdez airport nang bigla na lamang ilipad ng hangin ang scaffolding ng speaker malapit sa altar.
Kinilala ang biktimang si Kristel Padasas, volunteer ng Catholic Relief Service.
Ang Eastern Visayas ay nasa ilalim ng Signal No. 2 dulot ng pananalasa ng bagyong Amang.
Sa inisyal na ulat, si Padasas ay kabilang sa halos 150,000 katao na dumayo sa Tacloban City para dumalo sa misa ni Pope Francis na hindi ininda ang bagyo nang magtungo sa lungsod at Palo, Leyte.
Gayunman, dahil sa masamang lagay ng panahon ay napilitan naman si Pope Francis at ang entourage nito na paikliin ang kanilang biyahe sa Leyte kung saan maayos ang mga itong nakabalik sa Maynila.
Sa kabila naman ng masungit na panahong dulot ng bagyo ay naibsan ang hinagpis ng mga survivors ng bagyong Yolanda dahil dinalaw sila ng Santo Papa.
- Latest