Ina pinatay ng anak dahil sa media noche
MANILA, Philippines – Napaslang ang 51-anyos na misis matapos na kumasa ang anak nitong babae na nakipagsaksakan kaugnay sa pinagtalunang pang-media noche sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Purok Makugohon, Barangay Sto. Niño, bayan ng Tukuran, Zamboanga del Sur kamakalawa ng gabi.
Idineklarang patay sa Zamboanga del Sur Medical Center ang biktimang si Gloria Alfanta habang arestado naman at nahaharap sa kasong parricide ang suspek na si Joy Soon, 28, may asawa at kapwa nakatira sa nasabing barangay.
Ayon sa imbestigasyon, nasa impluwensya ng alak ang suspek nang umuwi ito kung saan sinermunan pa ang kaniyang ina na naghahapunan at maghapon nagtrabaho bilang labandera.
Nabatid na nagtalo ang mag-ina na sinasabing kakapusin ng panghanda sa media noche kaugnay ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Sumiklab ang galit ng mag-ina na kapwa may hawak na patalim subalit higit na malakas ang suspek kaya naunahang mapuruhan ng malalim na saksak sa tiyan ang ina.
Narekober sa crime scene ang 11-pulgadang patalim na ginamit ng suspek sa pananaksak sa sariling ina.
- Latest