3 minasaker ng gun-for-hire gang
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Tatlong miyembro ng pamilya na inakusahang nagbigay ng impormasyon sa pulisya ang minasaker matapos itong pagbabarilin ng gun-for-hire gang sa loob ng kani-kanilang bahay sa Barangay Alongong, bayan ng Libon, Albay kahapon ng umaga.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Felipe Ongog, 60, negosyante; Arnold Ongog, at si Emilda Ongog, 33, mga nakatira sa nasabing barangay.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang grupo ng mga suspek na pinamumunuan ni Gilbert Concepcion ng Barangay Molosbolos sa nabanggit na bayan.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Marlo Meneses, naganap ang pamamaslang dakong alas-8:40 ng umaga kung saan magkakasabay na pinasok ng mga suspek ang magkakatabing bahay ng mga biktima.
Kaagad na pinagbabaril ang mga biktima na sinasabing nagbigay ng impormasyon sa mga awtoridad para matunton ang kinaroroonan ang utol ni Gilbert na si Ramson Concepcion.
Sa tala ng pulisya, si Ramson ay most wanted sa kasong murder at napatay ito matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya noong Huwebes (Nov. 27)
Ang grupo rin ni Gilbert ang pangunahing suspek sa pamamaslang kay Engr. Nelson Morales at pagmasaker sa pamilya Sasota.
- Latest