2,600 Girl Scouts, inilikas
MANILA, Philippines - Umaabot sa 2,600 miyembro ng Girl Scouts of the Philippines (GSP) ang inilakas sanhi ng malakas na pagbuhos ng ulan at hangin dulot ng bagyong Queenie sa Barangay Patag, Silay City, Negros Occidental kamakalawa.
Sa ulat ng Office of Civil Defense Region VI, ang nasabing GSP ay nag-camping sa bulubunduking bahagi na may 37 kilometro ang layo sa kalunsuran.
Nabatid na nagsimulang magdatingan ang mga kabataang GSP para sa apat na area na jamboree na nagsimula kahapon.
Gayon pa man, napilitan ang mga guro na kanselahin na ang Jamboree para ilikas sa ligtas na lugar ang nasabing bilang ng GSP bunga ng paghagupit ng bagyong Queenie.
Ang bagyong Queenie ay nagdulot ng pagbaha bunsod ng malakas na pag-ulan partikular na sa Central Visayas at Western Visayas.
Ayon sa mga awtoridad, mabuti na lamang at nailikas ang mga kabataan kaysa may mangyari pang masama sa kasagsagan ng pagbayo ng bagyong Queenie.
Pansamantalang inilikas sa Silay City gymnasium ang mga biktima kung saan binigyan ng pagkain saka sinundo ng mga sasakyan para inihatid sa kanilang bayan at lungsod.
- Latest