Mayor, trader kinasuhan sa Ombudsman
MANILA, Philippines – Isang grupo ng mga magulang ang nagsampa sa Ombudsman ng kasong graft laban kina Bayambang, Pangasinan Mayor Ricardo Camacho at negosyanteng si Willy Chua dahil sa umano’y maanomalyang land swap deal ng mga nasasakdal para sa Bayambang Central School. Inihain ng Parent-Teachers Association sa pangunguna ni Filipinas Alcantara ang 8-pahinang reklamo dahil sa sinasabing pagpapalipat ng Bayambang Central School sa isang lupain ni Chua. Pinuna ni Alcantara na pinilit umano ni Camacho na lumipat sa bagong lokasyon ang mga guro, estudyante at tauhan ng eskuwelahan nang walang inilalatag na tamang plano. Ayon pa sa PTA, hindi sinangguni sa naturang hakbang ang Department of Education, mga guro, magulang at estudyante. Sinabi ni Alcantarta na malinaw na labag sa batas ang land-swap deal nina Camacho at Chua sa kabila ng pagtutol mismo ng Department of Education dahil mahigit 2,000 estudyante ang apektado nito. Wika pa ni Alcantara, ang pinaglipatan ng paaralan na lupa ni Chua ay nabili lamang nito ng P150,000 noong 2010 habang ang mahigit P100 milyon ang market value ng lote ng BCS.
- Latest