3 drug trafficker timbog sa checkpoint
MANILA, Philippines – Tatlong umano’y drug trafficker ang naaresto matapos na masamsam sa kanilang posesyon ang tinatayang halos P7 milyong halaga ng shabu sa isang checkpoint sa Cotabato City nitong Lunes ng gabi.
Nakilala ang mga nasakoteng suspek na sina Tato Felmin, misis nitong si Alma at Fahad Guiapar; pawang residente ng lungsod.
Ayon sa report ng pulisya, dakong alas-8:30 ng gabi ng maharang ng pinagsanib na elemento ng Cotabato City Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ARMM ang isang Isuzu truck na sinasakyan ng mga suspek sa Brgy. Mother Tamontaka ng lungsod na ito.
Unang nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa shipment ng methamphetamine hydrochloride na lulan ng mini cargo truck, kaya naman agad na nagsagawa ng nasabing checkpoint.
Ang mga nakumpiskang mga shabu ay nasa backpack ni Felmin na idineklara nitong maruruming damit lamang ang laman pero nang inspeksyunin ay nadiskubre ang mahigit isang kilong shabu rito.
Nahaharap ngayon sa kasong drug trafficking ang mga suspek.
- Latest