Coed pinilahan ng 2 pulis-Zambo
MANILA, Philippines - Dalawang bagitong pulis-Zambo ang bumagsak sa kalaboso makaraang arestuhin ng kanilang mga kabaro kaugnay sa reklamong panghahalay sa 18-anyos na dalagang estudyante sa kolehiyo sa bayan ng Ipil, Zamboanga Sibugay noong Lunes ng gabi (Sept. 8)
Sa phone interview, kinilala ni P/Insp. Dahlan Samuddin, spokesman ng police regional office (PRO) 9 ang dalawang suspek na sina PO1 Bideri Gani ng Siay PNP; at PO1 Julkaiser Hayudin Sali ng Malangas PNP sa Zamboanga Sibugay.
Kalaboso rin ang kasabwat ng dalawang pulis na si Mumar Furuc na sinasabing nagpakilala sa biktimang itinago sa pangalang Melissa, 2nd year college student ng Sibugay Technical Institute Incorporated (STII) na kumukuha ng kursong Hotel and Restaurant Management (HRM).
Isinailalim na sa inquest proceedings ang dalawang pulis sa kasong rape at serious illegal detention habang isasalang din sa drug test ang mga ito kung lulong sa bawal na droga.
Nabatid na dumulog sa himpilan ng pulisya ang biktima noong Martes (Sept 9) matapos makatakas sa boarding house ng isa sa mga suspek bandang alas-2 ng madaling araw sa Barangay Bangkerohan sa bayan ng Ipil.
Sa salaysay ng biktima, ipinakilala ni Furuc sa biktima ang isa sa mga suspek noong Lunes ng gabi kung saan ay kumain sila sa fastfood chain sa nasabing bayan.
Gayon pa man, matapos kumain ng humburger ay nahilo ang biktima kaya dinala ng isa sa mga suspek sa boarding house kung saan isinagawa ang maitim na balak ng dalawang pulis.
Ikinulong ang biktima sa boarding house noong Martes ng gabi hanggang sa makatakas kinabukasan ng madaling araw (Sept 9).
Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operations ang mga operatiba ng Ipil PNP kaya nasakote sina PO1 Gani at PO1 Sali.
- Latest