2 tiklo sa nakawan sa BIR office
CEBU, Philippines - Rehas na bakal ang binagsakan ng dalawang casual employees sa bayan ng San Remigio, Cebu makaraang arestuhin ng pulisya sa kasong pagnanakaw sa tanggapan ng Bureau of Internal Revenue noong Huwebes.
Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Jasper Dosdos ng Barangay Argawanon; at Jeslab Añonuevo ng Barangay Poblacion, San Remigio.
Ayon kay P/Chief Inspector Alexander Ancao, hepe ng San Remigio PNP, inamin ng mga suspek ang nakawang naganap sa nasabing opisina kung saan nawala ang P6,700 cash.
Sina Dosdos at Añonuevo na nasakote sa inilatag na operasyon ng pulisya noong Biyernes ay nahaharap sa kasong robbery sa Bogo City Regional Trial Court Branch 61.
Sa ulat ng pulisya, nakapasok ang dalawa sa BIR office matapos wasakin ng jalousie ng bintana na kinalalagyan ng aircon sa Traffic Management Office.
Napag-alamang sangkot din sina Dosdos at Añonuevo sa nakawan ng bigas sa Municipal Social Welfare and Development office, ayon pa kay Ancao. (Freeman News Service)
- Latest