2 BIFFs todas sa bakbakan
MANILA, Philippines - Dalawang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang napaslang habang walong sibilyan at dalawang sundalo naman ang nasugatan makaraang sumiklab ang panibagong sagupaan sa pagitan ng mga armadong rebelde at ng tropa ng militar sa Maguindanao, ayon sa ulat kahapon.
Sinabi ni Col. Dickson Hermoso, spokesman ng Army’s 6th Infantry Division, nag-umpisa ang bakbakan kamakalawa ng gabi hanggang kahapon ng umaga kung saan naging bahagi ng opensiba ng militar laban sa BIFF rebs sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha.
Sa nasabing sagupaan ay napatay ang dalawang BIFF habang walong sibilyan ang nasugatan matapos na tamaan ng ligaw na mga bala.
Bandang alauna naman ng madaling araw kahapon nang masugatan ang dalawang sundalo sa pag-atake ng grupo ng BIFF sa Barangay Dambalas, bayan ng Datu Piang at Barangay Gantang sa Shariff Saydona.
Ayon sa opisyal, tinatangka ng BIFF fighters na bawiin ang kanilang kampo na nakubkob ng militar kaya sumiklab ang bakbakan laban sa tropa ng mga sundalo.
- Latest