Police station ni-raid ng NPA 3 rebelde patay, 2 pulis sugatan
MANILA, Philippines - Tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasawi habang dalawang pulis ang nasugatan at apat pa ang binihag matapos salakayin ng tinatayang 60 mga armadong rebelde ang himpilan ng Alegria Municipal Police Station (MPS) sa lalawigan ng Surigao del Norte, ng Huwebes ng hapon.
Kinilala ni CARAGA Police Spokesman Supt. Romaldo Bayting ang mga nasugatang pulis na sina PO2 Reuben Salino at PO3 Romero Dagsa.
Kasabay nito, iniutos na ni CARAGA Police Regional Director Chief Supt. Dominador Aquino Jr. na isailalim sa full alert status ang buong rehiyon at ipinag-utos din ang pagsasagawa ng checkpoint bunga ng insidente.
Ayon kay Bayting, apat namang pulis ang binihag ng mga nagsitakas na rebelde na kinilalang sina PO3 Vic Concon, PO1 Rey Morales, PO1 Joen Zabala at PO1 Edito Roquino.
Patuloy namang inalaam ang pagkakakilanlan ng dalawang rebelde na narekober ang bangkay sa lugar habang isa pang nasawing rebelde ang binitbit ng mga nagsitakas nilang kasamahan.
Nagkataon namang wala sa nasabing himpilan ang hepe ng Alegria Police Station na si Inspector Cherene Abdian ng mangyari ang insidente kung saan nasa walong pulis lamang ang nagbabantay dito dahilan ang iba ay nagsasagawa ng security patrol operations.
Bandang alas-3 ng hapon, ayon kay Bayting ng sumalakay ang mga rebelde lulan ng truck sa nasabing himpilan. Nabatid sa opisyal na nasa 20-25 rebelde na nakasuot ng fatigue uniform ang pumasok sa nasabing himpilan habang ang iba naman ay nagbantay lamang sa labas.
- Latest