Ex-OFW kinidnap sa mall
MANILA, Philippines - Dinukot ng mga armadong kalalakihan ang 38-anyos na buntis na dating overseas Filipino worker sa naganap na insidente sa Gaisano Capital Mall sa Pagadian City, Zamboanga del Sur kamakalawa. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang biktima na si Pebelyn Betulo ng Barangay Gumahan sa bayan ng Josefina, Zambonga del Sur. Sa imbestigasyon, naganap ang insidente habang namimili ang biktima sa nasabing mall sa San Pedro District bandang alas-12:30 ng tanghali. Nabatid na ang biktima ay naka-check-in sa JRC Hotel sa Pagadian City simula pa noong Hunyo 18 dahil hinihintay nitong iskedyul ng kaniyang caesarian operation dahil nasa kabuwanan na ito ng pagbubuntis. Ayon kay Samuddin, kasama ng biktima ang kaniyang bayaw na si Arnulfo Bertulo ay nagtungo sa nasabing mall para bumili ng mga kakailanganin sa kaniyang panganganak nang bigla nalamang mawala ang biktima. Gayon pa man, ilang minuto ang nakalipas ay nakatanggap si Bertulo ng text message mula sa biktima na isinakay umano siya ng mga kidnaper sa asul na van at humihingi ito ng tulong. Agad namang dumulog si Arnulfo sa himpilan ng Pagadian City PNP kung saan inilatag na ang operasyon.
- Latest