Magbiyanan utas sa holdaper
MANILA, Philippines - Dalawa-katao ang napatay matapos pagbabarilin ng nag-iisang holdaper na nangholdap sa mga pasahero ng bus sa kahabaan ng national highway sa bayan ng San Manuel, Tarlac kamakalawa.
Sa phone interview, sinabi ni Tarlac PNP Director P/Senior Supt. Alex Sintin, naganap ang insidente sa Genesis Bus na dakong alauna y medya ng hapon.
Kinilala ang magbiyenang napatay na sina Carlos Almuete at Jecson Ibañez habang arestado naman ng mga operatiba ng pulisya ang suspek na si Reynald dela Cruz, 35, ex-security guard at nakatira sa bayan ng Bangued, Abra.
Sa imbestigasyon, nagpanggap na pasahero ang suspek pero pagsapit sa bayan ng Moncada ay bigla na lamang nagdeklara ng holdap gamit ang cal. 9mm pistol.
Gayon pa man, pagtapat ng bus sa bayan ng San Manuel sa mismong himpilan ng pulisya ay nagpanik ang suspek sa takot sa mga pulis na naalarma sa komosyon sa loob ng bus kaya pinutukan ang magbiyenan.
Bumaba ang suspek pagsapit sa Barangay San Agustin sa bayan ng San Manuel kung saan tinangkang agawin ang motorsiklong nakaparada at binaril ang pumalag na may-ari kaya binaril din ito.
Nakita naman ng taumbayan ang insidente kaya kinuyog ang suspek hanggang sa maaresto ng mga operatiba ng pulisya.
Nasamsam mula sa suspek ang cal. 9 MM pistol, mga cellphone at perang nilimas nito sa mga pasahero.
- Latest