6 miyembro ng ‘gun-for-hire’ arestado

BATANGAS, Philippines – Anim-katao kabilang ang isang pulis at dalawang kagawad ng barangay na sinasabing miyembro ng gun-for-hire group, drug syndicate ang naaresto ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation, Philippine Army at Philippine Air Force sa inilatag na magkahiwalay na operasyon sa mga bayan ng Calaca at Nasugbu sa Batangas kahapon ng umaga.

Sa ipinalabas na search warrant ni Judge Carlos Flores ng Malabon City Regional Trial Court, sinalakay ang bahay ni Gerardo “Taling” Paglinawan sa Barangay Lumbang sa bayan ng Calaca bandang alas-6:30 ng umaga.

Kabilang sa naaresto sina PO1 Wilfredo Paglinawan ng Calaca PNP, Mark Ruedas at dalawang di-pa kilalang lalaki habang nakatakas naman si Gerardo na sinasabing lider ng grupo.

Ayon kay NBI-Batangas Agent Jun Japlit, nagkaputukan matapos manlaban kung saan wala namang napaulat na nasaktan o namatay.

Nasamsam sa mga suspek ang isang Armalite rifle,  cal. 45 pistol, shotgun, granada at hindi pa mabatid gramo ng shabu.

Kasunod nito, arestado rin ang dalawang kagawad ng barangay konsehal matapos makumpiskahan ng shotgun at cal. 22 revolver na sinasabing walang kaukulang papeles sa isinagawang operasyon ng NBI sa bayan ng Nasugbu.

Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Kagawad Jie Perno at Etok Limboc ng  Barangay Papaya, Nasugbu Batangas.

Samantala, anim na bangkay na sinasabing biktima ng gun-for-hire group ang nahukay pero itinanggi naman ng Batangas PNP na may narekober na mga bangkay o skeleton sa sinasabing mass grave sa Barangay Lumbang Na Bata sa bayan ng Calaca.

 

Show comments