MANILA, Philippines - Dahil sa aksidenteng pagkahulog ng dalawang plastic sachet ng shabu sa checkpoint, arestado ang 25-anyos na pinaghihinalaang drug pusher habang lulan ng motorsiklo sa kahabaan ng highway sa Barangay Nancayasan, Urdaneta City, Pangasinan kamakalawa ng madaling araw.
Sa ulat ng Urdaneta City PNP na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang suspek na si Jamil Rachman ng Barangay Nancayan sa nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ng pulisya, tumangging sumailalim sa checkpoint ang suspek na pinaharurot ang motorsiklo dakong alas-3:30 ng madaling araw.
Gayon pa man, aksidenteng nahulog sa bulsa ng suspek ang dalawang sachet ng shabu sa checkpoint ng pulisya kaya hinabol ito ng mga operatiba at inaÂresto.
Hindi na nakapalag ang suspek matapos na makorner ng pulisya na nagbabantay sa naturang checkpoint.
Kasalukuyang humihimas ng rehas na bakal ang suspek na nahaharap sa kasong kriminal.