7 patay sa Sayyaf New Year’s eve bombing
MANILA, Philippines - Pito-katao ang iniulat na namatay habang lima naman ang nasugatan sa ginawang pambobomba ng mga bandidong Abu Sayyaf Group malapit sa simbahan sa pagsalubong ng Bagong Taon kamakalawa ng gabi sa Barangay Tumahubong, bayan ng Sumisip, Basilan.
Sa phone interview, sinabi ni Army’s 104th Infantry Brigade at Task Force Basilan Commander Col. Carlito Galvez, lima ang inisyal na namatay pero dalawa pa ang namatay sa pagamutan kahapon ng umaga.
Kabilang sa limang unang namatay ilang minuto matapos ang pagsabog ay sina Rey Limben, Kitarul Kaddik, Leniebel Cisneros, Lourdes Ablong, Elbert Gomoba habang ang dalawang iba pa na namatay na rin sa Zamboanga City Hospital kahapon ng umaga ay sina Elbert Gomoba Jr., at Jessa Dingkong.
Sugatan naman sina Janice Dingcong, Rening Dingcong at tatlong iba pa kabilang ang dalawang menor-de-edad.
Naganap ang pagsabog bandang alas-10 ng gabi sa mataong komunidad malapit sa Vicente Parish Church sa Barangay Tumahubong.
Nabatid na itinanim ang improvised explosive device may ilang metro ang layo sa bahay ni Wikwik Haison, driver ng kura paroko sa basketball court kung saan nagkataong nagsasaya ang mga residente habang naghahanda sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Nabatid na inakala ng mga residente na paputok lamang ang sumabog subaÂlit nagulantang ang mga ito ng madiskubreng bomba ang sumambulat habang patuloy naman ang imbestigasyon.
- Latest